DAGUPAN CITY- Pinaigting ang pagpapatupad ng mga patakaran sa trapiko at paradahan sa paligid ng new public market sa lungsod ng San Carlos upang maibsan ang lumalalang problema sa daloy ng trapiko.
Ayon kay Market Supervisor Joseph Fernandez, naglalagay ng mga “No Parking” signages ang pamunuan ng palengke sa iba’t ibang bahagi ng paligid nito.
Aniya na isa lamang ang itinalagang paradahan para sa mga sasakyan, ito ay ang grand terminal.
Mahigpit na ipinagbabawal ang double parking at ang paggamit ng sariling paradahan ng ilang mga tricycle driver, partikular na ang ilang miyembro ng Toda, na isa sa mga dahilan ng pagsisikip ng trapiko.
Ani Fernandez, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga presidente ng bawat Toda upang ipaliwanag ang tamang sistema ng paradahan at daloy ng trapiko.
Dagdag pa niya na may itinalagang bagsakan para sa mga paninda gaya ng gulay at iba pang suplay mula alas dos ng madaling araw hanggang alas siyete ng umaga.
Pagkalipas ng takdang oras, inaasahan nang wala na ang mga ito sa lugar upang magamit naman ito bilang parking area ng mga tindero.
Ipinatutupad naman ang one-way scheme simula alas otso ng umaga upang mas maayos ang daloy ng sasakyan.