Inaprubahan ng bicameral conference committee ang reconciled version ng panukalang magpapalawak sa Private Basic Education Voucher Program, isang hakbang na naglalayong palawakin ang akses sa dekalidad na basic education at mabigyan ng mas maraming pagpipilian ang mga pamilyang Pilipino.
Pinagkasundo ng bicam ang House Bill No. 4744 at Senate Bill No. 1981 matapos pagtugmain ang mga probisyon ng dalawang panukala, kahit natapos na ang First Regular Session ng 20th Congress.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, layunin ng panukala na mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming mag-aaral na makapag-aral sa mga pribadong paaralan anuman ang kanilang kalagayang pinansyal, habang kinikilala ang mahalagang papel ng private schools bilang katuwang ng pamahalaan sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon.
Aniya, ang pagpapalakas sa voucher program ay magbibigay ng mas maraming pagpipilian sa mga magulang at mas malaking oportunidad sa kanilang mga anak na makatanggap ng dekalidad na edukasyon.
Pinangunahan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, chairperson ng House Committee on Basic Education and Culture, ang House panel sa bicameral conference committee. Kabilang naman sa Senate panel sina Senador Bam Aquino at Senador Camille Villar, kasama ang mga opisyal ng Department of Education.
Isusumite ang bicameral conference committee report sa Kamara at Senado para sa ratipikasyon bago ito ipadala kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kanyang lagda upang maging batas.










