Mariing kinondena ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang karahasang naganap sa pagitan ng mga pulis at ralyista kasunod ng pag-aresto sa tinatayang 300 katao mula sa grupo ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa Sucat, Muntinlupa, nitong Linggo, Nobyembre 15, 2026.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Biazon na walang puwang ang karahasan sa lungsod at dapat igalang ang karapatan ng bawat isa, kabilang ang malayang pagpapahayag ng saloobin at pagdaraos ng mga protesta.

Nanawagan din ang alkalde sa Philippine National Police (PNP) na pairalin ang maximum tolerance sa pagpapatupad ng batas at panatilihing bukas ang komunikasyon at dayalogo upang maiwasan ang karagdagang tensyon.

--Ads--

Bilang agarang tugon sa insidente, nagpadala ang pamahalaang lungsod ng emergency medical team upang magbigay ng tulong sa mga nasugatan at nangangailangan ng atensiyong medikal.

Binigyang-diin ng alkalde na dapat manaig ang kapayapaan, paggalang sa karapatang pantao at pagsunod sa batas, sa halip na dahas.