Dagupan City – Nanawagan ang National Federation of Barangay Health Workers (BHW) sa Department of Budget and Management (DBM) na huwag munang i-book o limitahan ang pondo para sa Health Emergency Allowance (HEA) upang matiyak na lahat ng Barangay Health Workers sa buong bansa ay makatatanggap ng nararapat na benepisyo*.

Ayon kay Khonan Cerial, Presidente ng National Federation of Barangay Health Workers, matagal na kasing inaasahan ng mga BHW ang naturang allowance, na bahagi ng mga benepisyong itinatakda sa ilalim ng Republic Act No. 7883 o ang Magna Carta for Barangay Health Workers.

Binigyang-diin ni Cerial na ang pagbibigay ng HEA ay mahalaga lalo na sa mga BHW na nagsilbing frontliners sa panahon ng pandemya at patuloy na nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.

--Ads--

Aniya, bukod kasi sa HEA, tanging honoraria pa lamang ang karaniwang tinatanggap ng mga BHW, na nakabase sa budget allocation ng mga Local Government Units (LGUs).

Dahil dito, hindi pantay ang natatanggap ng mga BHW sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kaugnay nito, nanawagan si Cerial sa administrasyon ng pangulo na patuloy na kilalanin ang mahalagang papel ng BHWs sa pagpapaunlad ng sektor ng kalusugan, at tiyaking hindi sila napag-iiwanan pagdating sa mga insentibo at benepisyo.