DAGUPAN CITY- Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) San Jacinto sa mga bibisita sa mga sementeryo ngayong Undas na huwag iwang nakasindi ang mga kandila sa puntod upang maiwasan ang posibilidad ng sunog.
Ayon kay SFO2 Joefrey S Ferrer Chief, Fire Safety Enforcement Section ng BFP San Jacinto, ilang araw bago sumapit ang Undas ay nagsagawa na ng inspeksyon ang kanilang tanggapan sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa bayan.
Kasabay nito, pinaalalahanan ang mga mamamayan hinggil sa wastong paggamit ng kandila at iba pang kagamitan na maaaring magdulot ng apoy.
Sa isinagawang pag-iikot ng BFP, maayos na ang kalagayan ng mga sementeryo at patuloy pa rin ang paglilinis ng mga maintenance personnel upang matiyak ang kalinisan at kaayusan sa mga daraang araw ng paggunita.
Pinaalalahanan din ng BFP ang publiko na bago umalis ng bahay, siguraduhing tanggalin sa saksakan ang mga appliances upang makaiwas sa anumang insidente ng sunog habang nasa sementeryo.
Sa pagdagsa ng mga mamamayan sa mga libingan, paalala ng mga awtoridad maging maingat, alerto, at responsable upang maging payapa at ligtas ang paggunita ng Undas sa bayan ng San Jacinto.










