Dagupan City – Kaisa ang Bureau of Fire Protection Region 1 ng ilang mga ahensya sa paghahanda sa mga sakunang maaring mangyari ngayong buwan ng hulyo bilang pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month.
Taunang selebrasyon ito sa Pilipinas na naglalayong palakasin ang kamalayan at paghahanda ng mga Pilipino sa mga sakuna at kalamidad, alinsunod sa Executive Order No. 29 na nilagdaan noong Hunyo 28, 2017.
Saklaw nito ang apat na pangunahing aspeto gaya ng prevention and mitigation, preparedness, response, at rehabilitation and recovery.
Nilalayon din nitong bigyang-diin ang kahalagahan ng personal na responsibilidad at pakikiisa sa pagbuo ng isang bansang handa sa mga sakuna.
Ayon kay FSSUPT Arthur Sawate, Asst. Regional Director for Administration ng BFP Region 1, nakatuon ang kanilang paghahanda ngayong tag-ulan lalo na ngayong naging bagyo na ang binabantayang low pressure area na pinangalanang “Bagyong Bising.”
Inihahanda na nila ang kanilang mga fire truck, tauhan, at kagamitan para tumugon sa pagresponde sa posibleng pagkakaroon ng baha sa ilang lugar o iba pang problemang dulot nito kung kinakailangan.
Sa kabila ng pag-ulan, patuloy pa ring nakapagtatala ng insidente ng sunog ang rehiyon.
Dahil dito, nagbabala ang BFP Region 1 sa publiko na mag-ingat nang husto dahil ang sunog ay maaaring mangyari anumang oras. Karamihan sa mga sunog ay dulot ng mga depektong kable, nakalimutang appliances, short circuit, o overloading.
Pinaalalahanan din ang publiko na doublehin ang pag-iingat lalo na sa paggamit ng kuryente ngayong panahon ng tag-ulan.