Higit pang pinaigting ng tanggapan ng Bureau of Fire Protection o BFP Pangasinan ang kanilang programa na binansagang Oplan Ligtas na Pamayanan.
Nabatid mula kay Supt. Georgian Pascua, Provincial Fire Director ng BFP Pangasinan, layunin nito na lalo pang mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko na magsilbing bombero o maging fire safety advocate sa kanilang lugar upang maiwasan ang insidente ng sunog.
Giit ng opisyal na ang fire safety ay hindi lamang responsibilidad ng kanilang tanggapan kundi ito ay obligasyon ng pangkalahatan.
Matatandaan noong unang panahon aniya, wala naman talagang mga bombero kundi ang nagreresponde ay taombayan kayat bilang bahagi ng kanilang proyekto, kinakailangang sanayin ang publiko para sila na mismo ang mag apula ng sunog.
Sinisiguro din nila na naiimplementa sa lahat ng mga municipal fire marshal na magsagawa ng training sa mga brgy. ngunit sa kasamaang palad, bunsod ng covid-19 pandemic, nasuspinde ang implementasyon nito dahil sa protocols.
Isa sa madalas na nagiging sanhi ng sunog ayon sa kanilang monitoring ay octopus wiring, mga napabayaang appliances o di naman kaya’y mga nakasaksak na charger ng gadgets.
Paliwanag ni Pascua, mas mainam ng manakawan huwag lamang ang masunugan.
Sa kanilang pagtaya naman sa bilang ng mga nag apply ng permit, bahagya itong bumaba ng 10-15%.
Nakikitang dahilan nito ang pandemic kayat mayroong mga pansamantalang nagsara o nag suspend ng operasyon ngunit ngayon, nakikitang tila active na ulit ang business community. (Report of Bombo Lyme Perez)