DAGUPAN CITY- Iniulat ng Bureau of Fire Protection Pangasinan na naging mapayapa ang pagsalubong sa Bagong Taon sa lalawigan sa kabila ng naganap na ilang insidente ng sunog.
Ayon kay FSSupt. Marvin T. Carbonel, Provincial Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) Pangasinan na dalawang sunog lamang ang naitala sa mismong pagsalubong ng Media Noche.
Binanggit niya na ang mga ito ay naitala sa mga bayan ng Urbiztondo at Bayambang ngunit hindi naman masyadong malala kung saan agad naman na nirespondigan ng mga bumbero at naapula ang mga ito.
Ibinahagi naman nito na sa kabuuan ng Disyembre 2025, nakapagtala lamang ang BFP Pangasinan ng limang (5) insidente ng sunog na may kinalaman sa paputok na naganap sa mga bayan ng Calasiao, Pozorrubio, San Quintin at 2 kaso ang naitala sa Lungsod ng Dagupan.
Kabilang dito ang pagsabog sa isang pagawaan ng paputok sa Dagupan na nagkaroon ng kaswalidad.
Samantala, masasabi naman niya na sa pagsalubong ng bagong taon ay wala namang naging kaswalidad na naitala sa kanilang himpilan na may kinalaman sa sunog kaya naging matiwasay ang pagsalubong ng Bagong Taon sa Pangasinan sapagkat ang mga sunog na naitala at nirespondehan ng amga bumbero ay hindi naman gaanong malalaki.
Muling nagpaalala ang BFP sa publiko na maging maingat sa kani-kanilang mga tahanan at sundin ang mga safety tips upang maiwasan ang sunog at iba pang sakuna.










