DAGUPAN, City- Patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection o BFP Pangasinan ang pinagmulan ng forest fire sa Camp 4 Sta. Maria East sa bahagi ng Barangay Malico, sa bayan ng San Nicolas.
Ayon kay SInsp. Gian Gloreine Galano, ang Public Information Officer ng naturang tanggapan, naiulat ang naturang sunog pasado alas-10:30 ng gabi ng Pebrero 4 at naitala pa ang ilang kasunod na sunog pasado alas-8 ng umaga ng Pebrero 5.
Bagaman umabot lamang sa 1st alarm ang naturang sunog at naideklarang fire-out bago magtanghalian ng nabanggit na araw ay naroon pa rin ang ilang mga miyembro ng BFP San Nicolas upang mamonitor ang kasalukuyang sitwasyon sa lugar upang maiwasan ang muling pagkakatala ng sunog.
Sinabi ni Galano na isa sa mga pinakamahirap na bahagi ng pag-apula ng sunog ay ang mismong lokasyon nito kung saan nahirapan na makapunta doon ang air tanker ng kanilang hanay lalo at ito ay isang terrain.
Mabuti na lamang umano at katuwang nila sa pag-apula ng apoy ang Bantay Gubat na gumamit ng knap-sack sprayers.
Sa ngayon inaalam pa ng kanilang tanggapan ang kabuuang danyos at lawak ng sunog sa nabanggit na lugar.