Dagupan City – Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection Mangaldan sa mga residente na maging maingat sa pagpili at paggamit ng Christmas lights ngayong unti-unting dumarami ang nagsasabit ng dekorasyon para sa kapaskuhan.
Binigyang-diin ng BFP Mangaldan na dapat tanging mga produktong may wastong marka ng Department of Trade and Industry ang gamitin at patunay na nasuri ang kalidad at ligtas ikabit sa loob ng bahay.
Pinapayuhan din ang publiko na huwag gumamit ng ilaw na may kupas, naputol, o pinagtagping wiring, dahil mabilis itong magdulot ng short circuit at posibleng pagmulan ng sunog.
Dagdag pa ng mga bumbero, maraming insidente ng sunog tuwing Disyembre ang nag-uugat sa mga may depektong dekorasyon .
Kaya pinapaalalahanang huwag isaksak ang sobra-sobrang ilaw sa isang outlet at siguraduhing naka-off at naka-unplug ang mga ito bago matulog o umalis ng bahay.
Noong nakaraang taon, walang naitalang sunog sa Mangaldan sa panahon ng holiday season.
Umaasa ang BFP na mapapanatili ang magandang rekord ngayong taon sa pamamagitan ng mas maingat na pagpili at responsableng paggamit ng Christmas lights ng mga residente.










