Nagbabala ang Bureau of Fire Protection Mangaldan sa publiko laban sa talamak na bentahan ng umano’y LPG regulator na walang kaukulang awtorisasyon.
Ayon sa Fire Marshall ng Mangaldan na si FSINSP De Vera, walang anumang produkto ang ineendorso o inaprubahan ng kanilang tanggapan, taliwas sa mga sinasabi ng ilang naglalako na ginagamit ang pangalan ng ahensya upang makapanlinlang.
Target umano ng mga nagbebenta ay ang mga matatanda o mga residente na madaling mahikayat, gamit ang panlilinlang na makatutulong daw ang regulator para makaiwas sa sunog at makatipid ng gas.
Sa mga natanggap na ulat ng BFP, umaabot hanggang apat na libong piso ang bentahan ng nasabing regulator mas mataas sa karaniwang presyo.
Dahil dito, mariing panawagan ng BFP Mangaldan sa publiko, huwag basta-basta maniwala sa mga nag-aalok ng produkto, lalo na kung ginagamit ang pangalan ng kanilang opisina. Mainam na magpakonsulta muna sa mga awtorisadong dealer at huwag hayaang malinlang ng maling impormasyon.
Paalala rin ng BFP, manatiling mapagmatyag at i-report agad sa kanilang tanggapan ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat tahanan.