Dagupan City – Patuloy na pinalalakas ng Bureau of Fire Protection–Lingayen, sa pangunguna ni Fire Marshal FSINSP Arlyn G. Diwag, ang mga programa at inisyatibo nito para sa fire safety, disaster preparedness, at kalinisan ng komunidad.
Ayon kay Diwag layunin ng kanilang mga gawain na mas mapalawak ang kaalaman ng publiko sa pag-iwas sa sunog at masiguro ang mas ligtas na kapaligiran para sa lahat.
Isa na nga rito ang pagsasagawa ng fire at earthquake drills sa iba’t ibang lugar sa Lingayen, simula sa poblacion.
Katuwang din ng istasyon ang kanilang firetruck team na regular na umiikot upang magsagawa ng public address, na nagsisilbing paalala at gabay sa tamang pag-iwas sa sunog.
Kasabay nito, tuloy-tuloy ang isinagawang “BUMBasurero” activity ng BFP-Lingayen, kung saan halos araw-araw ay naglilinis ang mga tauhan sa baywalk area bilang bahagi ng kanilang malasakit sa kalikasan.
Sa pamamagitan nito, nakakatulong aniya sila sa pagpapanatili ng kalinisan habang pinapalakas ang ugnayan nila sa komunidad.
Binigyang diin din ni Diwag na hindi rin tumitigil ang Information Education Campaign ng BFP sa iba’t ibang barangay ng Lingayen.
Upang maipaabot sa bawat pamilya ang tamang kaalaman sa fire prevention, fire extinguisher use, at iba pang mahahalagang hakbang sa seguridad.
Sa katunayan aniya may nakatakda ring joint inspection kung saan ipakikita ng mga bumbero ang kanilang kagamitan upang mas maunawaan ng publiko ang kanilang operasyon at kahandaan.
Ipinapaalala ng BFP-Lingayen na ang pag-iwas sa sunog ay hindi lamang responsibilidad ng mga bumbero kundi ng bawat miyembro ng komunidad.
Mula sa simpleng pagpatay ng ilaw at pag-alis ng mga gamit na maaaring pagmulan ng sunog hanggang sa tamang paggamit ng fire extinguisher, malaking tulong ang mga ito upang maiwasan ang aksidente.
Patuloy na hinihikayat ng istasyon ang lahat na maging mapagmatyag at aktibong makibahagi sa mga programang pangkaligtasan.
Sa pamamagitan ng mas pinaigting na mga aktibidad at kampanya, hangarin ng BFP-Lingayen na makapagtatag ng mas ligtas, mas handa, at mas disiplinadong komunidad.










