Dagupan City – Pinaiigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen ang kampanya nitong Oplan Paalala Iwas Paputok 2025 bilang paghahanda sa pagdagsa ng selebrasyon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Layunin ng programa na masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa harap ng mga posibleng aksidente at sunog na maaaring idulot ng paggamit ng paputok.
Pinangunahan ni FSInsp Arlyn G. Diwag, Municipal Fire Marshal, ang serye ng public address at information drive na isinagawa sa Brgy. Libsong at iba’t ibang bahagi ng bayan.
Aniya, nahagi ng kampanya ang malawakang pamamahagi ng flyers, paalala sa publiko, at pagbibigay ng edukasyon tungkol sa ligtas na pagdiriwang ngayong holiday season.
Binibigyang-diin ng mga ito ang mas mainam piliin ang mga ligtas na alternatibo tulad ng torotot, iba’t ibang instrumento, o pagsali sa mga public fireworks display, imbes na gumamit ng personal na paputok.
Layunin nitong mabawasan ang bilang ng mga insidente ng sunog at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Kasabay nito ang mahigpit na inspeksyon sa mga lugar na posibleng pagtayuan o pagdaungan ng mga firecracker stalls.
Ayon sa BFP, wala pang naitatalang bentahan ngayong taon ngunit tuloy-tuloy ang kanilang pag-ikot sa palengke, terminal, at iba pang pampublikong lugar upang matiyak na walang iligal o maagang bentahan ng paputok.










