Muling pinaalalahanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Labrador ang mga residente na umiwas sa paggamit ng paputok sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng Oplan Iwas Paputok.
Ayon kay FO1 Rhomel C. Capito, Fire Arson Investigator ng BFP Labrador, taun-taon ay naglulunsad ang kanilang tanggapan ng malawakang kampanya para mapanatiling ligtas ang komunidad mula sa firecracker-related injuries at posibleng sunog.
Kasama rito ang pinaigting na roving operations, mahigpit na monitoring, at information dissemination sa pamamagitan ng pamamahagi ng leaflets at flyers.
Binibigyang-diin ng BFP na ang paggamit ng ipinagbabawal na paputok ay hindi kailanman kailangan para magkaroon ng masaya at mapayapang pagdiriwang.
Sa halip, hinihikayat ang publiko na gumamit ng ligtas na alternatibo para sa pagpapailaw at pagpaparinig, upang hindi makaperwisyo o makasagabal sa ibang tao.
Tiniyak din ng BFP Labrador na mananatiling naka-alerto ang kanilang mga tauhan sa buong holiday season upang mabilis na makaresponde sakaling may emergency.
Layunin ng kampanya na mabawasan, kung hindi man tuluyang maiwasan, ang anumang insidente ng sunog o aksidenteng dulot ng paputok.
Patuloy namang nananawagan ang BFP Labrador sa mga mamamayan na makiisa sa kanilang adbokasiya.
Sa pagtutulungan ng komunidad at ng mga otoridad, inaasahang magiging mas ligtas, tahimik, at makabuluhan ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa bayan ng Labrador.










