Binalaan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang mga bangus grower dito sa lalawigan ng Pangasinan sa posibleng epekto ng Neap tide o alaal.
Ayon kay BFAR-NIFTDC Center Chief Director Westly Rosario maituturing na delikado para sa mga isda ang ‘neap tide’ o mas kilala sa tawag na “alaal”. Aniya, sa neap tide, walang nagaganap na paggalaw sa tubig sa mga ilog at wala ding mechanical production ng dissolved oxygen. Ang naturang senaryo ay posible umanong magdulot ng fish kill.
Makadadagdag din umano sa posibilidad ng fish kill ang makulimlim na panahon na madalas maranasan tuwing sumasapit ang dapit hapon. Kapag hindi raw kasi nakakapasok ang sikat ng araw sa tubig, bumababa ang produksyon ng dissolved oxygen na siyang nagdudulot ng pagbagal ng metabolismo ng mga isda. Kung sosobra ang pakain sa mga isda, makasasama rin ito sa kondisyon ng tubig para sa mga isda na maaari nilang ikamatay.
Ipinapayo ni Rosario sa mga mangingisda na mas makakabuting magbawas ng stock ng alagang bangus o tilapia sa mga palaisdaan, bawasan din ang pagpapakain ng feeds, at bantayan ng temperatura at level ng tubig upang maiwasan ang pagkamatay ng mga alagang isda.with report from Bombo Lyme Perez