Opisyal nang inendorso ng American singer na si Beyonce ang Democratic presidential aspirant na si Kamala Harris bilang susunod na pangulo ng United States of America.
Sa isinagawang campaign rally sa Houston, Texas ni Harris noong October 25, 2024, ay sorpresang pumanhik sa entablado si Beyonce kasama ang kapwa Destiny Child bandmate na si Kelly Rowland.
Ang pagpanhik sa entablado ni Beyonce ay hindi para siya ay kumanta o mag-perform kundi para magbigay ng suporta sa kandidatura ng kasalukuyang Bise-Presidente ng U.S.
Saad ni Beyonce, hindi bilang singer at celebrity ang ipinunta niya sa campaign rally kundi bilang isang ina at mamamayan ng U.S. na gusto na ng pagbabago sa kanilang bansa para sa susunod na henerasyon.
Nauna rito, may iba pang celebrities na nagpahayag ng kanilang suporta kay Harris, kagaya ng singers na sina Taylor Swift, John Legend, at Olivia Rodrigo; ang aktor na si George Clooney, at direktor na si Spike Lee.
Kabilang naman sa celebrity endorsers ni dating US pres.Donald Trump ay ang dating wrestler na si Hulk Hogan, ang TV star na si Amber Rose, at ang billionaire na si Elon Musk.