Opisyal nang ipinroklama si Bienvinido “Benny” Abante sa City Board of Canvassers (CBOC) bilang kongresista ng ika-6 na distrito ng Maynila.
Kumpirmado ito matapos na ilabas ng Commission on Elections (COMELEC) ang ‘Entry of Judgement’ at ‘Certificate of Finality’ na opisyal ng nagpapaproklama kay Abante.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, pagpapatibay ito ng poll body sa naging desisyon nila noong Hunyo 30 na bawiin ang proklamasyon kay Joey Chua Uy dahil sa pagkansela ng kanyang Certificate of Candidacy (CoC) dahil mapatunayang hindi siya natural-born citizen.
Dahil dito, agad na pinapaupo ng poll body si Abante bilang nanalong kongresista ng ika-6 na distrito ng Maynila.
Bagaman may order na ‘for immediate proclamation’ sa dokumento na inilabas ng komisyon, paglilinaw ni Garcia na nasa City Board of Canvassers (CBOC) pa rin ang desisyon kung sila ba ay magcoconvene ngayong araw para i-proklama si Abante.
Aniya, ang City Board of Canvassers (CBOC) na binubuo ng City Election Officer ng District, City Prosecutor ng Manila at City Superintendent ng Department of Education (DepEd), ay independent body mula sa COMELEC kaya hinahayaan nila itong kumilos sa ganitong sitwasyon.