DAGUPAN CITY- Wala pang naitatalang landslide at pagbaha sa bayan ng Sual simula kahapon, ayon ito sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Sual.

Ayon kay Jealanberg Rigonem, Administrative Aide 1 ng nasabing tanggapan, ikinapapasalamat nila sa kanilang Department of Disaster Resilience (DDR) Council ang palagiang pagbibigay ng updates hinggil sa kalagayan ng kanilang nasasakupan at sa kanilang clearing operations.

Aniya, nagsasagawa naman ang kanilang tanggapan ng occular operations upang mabantayan ang kanilang bayan mula sa banta ng pag-ulan.

--Ads--

Sinabi pa niya na hindi gaano apektado ang kanilang bayan kung saan nadadaanan pa ang kanilang mga kakalsadahan at wala pang lumilikas sa mga evacuation centers ng bayan.

Gayunpaman, aktibo ang kanilang pagbantay sa Sitio Port 5 at Sitio Punta dahil malapit ang mga ito sa coastal area.

Subalit, lahat naman ng barangay sa coastal areas ay nananatiling nasa maayos na kalagayan.

Patuloy naman ang kanilang pag-abiso sa mga residente ng Sual upang matiyak ang kanilang kaligtasan.