Isang malaking hakbang tungo sa pangangalaga ng kapaligiran ang ginawa ng bayan ng San Nicolas sa pagtatag ng Multi-Sectoral Forest Protection Committee at paglagda nito ng Memorandum of Agreement (MOA).
Ang seremonya ay pinangunahan ni Mayor Alicia Primicias Enriquez kasama sina PENR Officer Raymond A. Rivera, OIC CENR Officer Rico G. Biado, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.
Ang komite ay binubuo ng mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Local Government Unit (LGU) ng San Nicolas, Philippine National Police (PNP), Department of Education (DepEd), Bureau of Fire Protection (BFP), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), Tribal Council of Indigenous Peoples, at mga samahan ng mga magsasaka.
Layunin nitong pag-isahin ang mga pagsisikap sa pagprotekta at pangangalaga ng mga kagubatan sa bayan.
Bukod sa pangangalaga ng kagubatan, nakapaloob din sa plano ang pagbibigay ng alternatibong hanapbuhay sa mga residente na umaasa sa pag-uuling at pagtrotroso.
Samantala, magkakaroon naman ng mga pagsasanay mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Electrical Installation and Maintenance at Shielded Metal Arc Welding upang mabigyan sila ng mga kasanayan na magagamit sa iba pang mga industriya.