Dagupan City – Nagsimula na ang mga paghahanda para sa pagdiriwang ng Undas 2024 sa bayan ng San Nicolas.
Sa isang pagpupulong na pinangunahan ni Mayor Alicia Primicias Enriquez tinalakay ng komite ng Oplan Undas 2024 ang mga plano para sa maayos at ligtas na pagdiriwang ng All Saints’ Day.
Kabilang sa mga tinalakay sa pagpupulong ang mga traffic routes, paglalagay ng incident command post, at deployment ng mga karagdagang personnel.
Layunin ng mga ito na mapaghandaan ang pagdagsa ng mga tao mula sa iba’t ibang siyudad at probinsiya na uuwi para sa Undas.
Pinag-usapan din ang budgetary requirements, venue, at programa para sa inaabangang Tanghalan sa Undas.
Samantala, nagsagawa rin ng inspeksyon ang alkalde sa San Nicolas Municipal Cemetery. Pinuri niya ang TUPAD workers na tumutulong sa pamahalaang lokal upang masigurong malinis, maayos, at handa na ang sementeryo para sa pagdagsa ng mga tao na mag-aalay ng mga panalangin at bulaklak sa kanilang mga yumao.
Ipinagmalaki naman ng alkalde ang pagiging handa ng bayan ng San Nicolas para sa Undas 2024 kung saan siniguro nito na gagawin ng pamahalaang lokal ang lahat ng kanilang makakaya upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng lahat ng mga dadalo sa pagdiriwang. (Oliver Dacumos)