Nakatanggap ang bayan ng San Fabian ng mahigit 5,000 food packs mula sa DSWD Central Office ngayong araw.
Agad na inayos ng mga kawani ng MSWDO sa pangunguna ni Ma’am Queenie Rose H. Cabanlig, kasama ang mga tauhan ng PNP, Coast Guard, at iba pa, ang paghahanda para sa pamamahagi nito.
Ayon kay Ma’am Cabanlig, ito ay tugon sa kanilang kahilingan sa tulong ng probinsya dahil sa kalamidad na tumama sa bayan.
Nasa tatlong truck ang dumating ngayong araw, at inaasahan pa ang pagdating ng isang libong food packs mula sa tanggapan ni Cong. Gina Devenicia.
Dagdag pa rito ang mga tulong na ibinigay ng probinsya na aabot sa 800 packs at mga nagpapatuloy na suporta ng LGU sa bawat barangay.
Tinatayang 13,048 pamilya o 37,234 indibidwal ang naapektuhan ng mga nagdaang sama ng panahon kung saa 98 pamilya o 328 indibidwal ang pansamantalang inilikas sa San Fabian Sports Civic Center, bukod pa sa mga nasa mga evacuation center sa iba’t ibang barangay.
Karamihan sa mga evacuees ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan dahil sa pagbaba ng tubig baha at pagganda ng panahon.
Samantala, ang mga food packs na dumating ngayon sa bayan ay ipamamahagi bukas sa tulong ng mga opisyal ng bayan.
Saad nito na malaking tulong ito sa mga residente, ngunit umaasa pa rin sila ng karagdagang tulong mula sa ibang ahensya dahil sa dami ng mga naapektuhan.
Lubos kasi na naapektuhan ang San Fabian ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong, kasama ang high tide at pag-apaw ng Bued-Cayanga River dahil sa patuloy na pag-ulan.
Halos 24 sa 34 barangay ang naapektuhan pero ang sampung barangay dito ay nasa mataas na lugar ngunit nakaranas naman ng kaunting ulat ng landslide at iba pang mga problema, ngunit hindi naman gaanong kalubha.
Hindi naman nagdedeklara ng state of calamity ang bayan dahil kailangan pang masuri kung nakakatugon ito sa mga kinakailangang requirements upang maisailim ito.