DAGUPAN CITY- Bilang bahagi ng lokal na inisyatibo para palakasin ang kabuhayan ng mga residente, sinimulan na ng pamahalaang bayan ng San Fabian ang pamamahagi ng mga native na baboy sa piling mga magsasaka.

Ang programang ito ay isinakatuparan sa ilalim ng roll-over scheme na layuning palawakin ang lahi ng mga native na baboy sa buong bayan.

Ayon kay Johnny Jugo Paraan Municipal Agriculturist ng San Fabian, bago pa man tumanggap ng alagang baboy ang mga benepisyaryo, sumailalim muna sila sa seminar upang matutunan ang tamang proseso ng pagpapalaki at pagpaparami ng mga baboy.

--Ads--

Sa ilalim ng roll over scheme, inaasahang kapag nakapagpalahi ng tatlong baboy ang isang benepisyaryo, pipili siya nang mapagbibigyan niya ng baboy.

Sa ganitong paraan, tuloy-tuloy ang pag-ikot ng tulong at lumalawak ang benepisyo sa buong bayan.

Unang napagkalooban ng baboy ang mga tobacco farmers na siyang prayoridad ng proyekto, lalo’t mula sa tobacco excise tax nagmula ang pondong ginamit dito. Bahagi ito ng mas malawak na suporta ng lokal na pamahalaan para sa mga sektor na umaasa sa agrikultura.

Layon ng programang ito na hindi lang magbigay ng dagdag-kabuhayan kundi masigurong sustainable at magkakaugnay ang pag-unlad ng bawat mamamayan.