DAGUPAN CITY — Pumangalawa na ang bayan ng Rosales sa mga munisipalidad sa buong lalawigan ng Pangasinan na nasa ilalim ng watchlist ng Provincial Health Office (PHO) matapos na umakyat sa 20 ang aktibong kaso ng COVID19 dahil sa walong naidagdag kahapon,  December 7, 2020.

        Base sa datos na inilabas ng lokal na pamahalaan, ang covid patient no.120 ay isang 36 taong gulang na babae mula sa barangay Carmen West na nahawa sa covid patient no.118. Nakaramdam ng sintomas ng covid19 ang pasyente gaya ng dry cough. Sumailalim ito sa swab test noong December 4 at lumabas na positibo ang resulta ng covid test noong December 6.

        Kapwa naman nahawaan ng naturang sakit ng covid patient no. 111 ang 2 pa sa bagong kaso na residente ng Zone IV na sina covid patient no.  121 na isang 75 years old female at covid patient no. 122 na isang 16 years old na babae. Kasalukuyang asymptomatic ang dalawa bagamat striktong sumasailalim sa home quarantine.

--Ads--

        Mahigpit namang binabantayan ng Municipal Heath Office (MHO) ang covid patient no.123 na isang lolo mula Tomana West matapos na magpositibo din. Nakakaranas ng sintomas ang pasyente kabilang ang pagubo at hirap sa paghinga. Mayroon din itong iniindang karamdaman na bronchial asthma.

        Samantala, apat naman sa bagong kaso ay kapwa residente ng barangay San Antonio na nagkaroon ng exposure sa covid patient no. 103. Sa ngayon, asymptomatic ang mga pasyente at dinala na sa local quarantine facility ng Rosales. (With reports from Bombo Everly Rico)