DAGUPAN CITY- Nagsagawa ng isang mahalagang pagpupulong ang ilang sektor sa munisipalidad ng pozorrubio upang tiyakin ang isang ligtas at maayos na pagdiriwang ng Semana Santa 2025.

Pinangunahan ito ng mga kinatawan mula sa Civil Society Organizations (CSOs), BDRRMC focal persons, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Rural Health Unit (RHU), Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO), at Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO).

Para maiwasan ang anumang insidente, tinalakay ang mga protocol sa pag-uulat ng mga pangyayari, mga hakbang sa pag-iwas sa sakuna, at ang mga responsibilidad ng bawat sektor sa nasabing pulong.

--Ads--

Ibinigay din ng mga CSO ang kanilang mga designated areas at duty schedules.

Nagbigay din ng mahahalagang paalala ang mga kinatawan ng PNP, BFP, at RHU.

Bilang paghahanda, ang buong bayan ng Pozorrubio ay ilalagay sa BLUE alert status mula Abril 17 hanggang 21, 2025, upang mapaigting ang koordinasyon at agarang pagtugon sa anumang sitwasyon.

Dahil dito, nanawagan ang lokal na pamahalaan sa lahat ng sektor na makiisa at magpakita ng bayanihan para sa isang ligtas at makabuluhang mahal na araw.