Opisyal nang sinimulan ang pagbubukas ng 2025 Mangaldan Town Fiesta at Pindang Festival sa pamamagitan ng isang grand civic parade at isang seremonya ng pagbubukas na pinangunahan ng alkalde ng nasabing bayan. Ginanap ito sa harap ng Presidencia de Mangaldan, na siya namang dinaluhan ng maraming tao na nagpakita ng pagkakaisa at kasiyahan ng komunidad.
Ang parada, ay sinimulan sa munisipyo at dumaan sa Rizal Avenue, na nagtapos sa Mangaldan National High School (MNHS) Quadrangle.
Nagpasalamat naman ang Alkalde sa lahat ng mga dumalo, binigyang-diin niya kung paano pinagsasama-sama ng kaganapang ito ang mga residente, mga balikbayan, at mga bisita. Maraming balikbayan ang bumalik upang makita ang mga selebrasyon, bilang pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng MNHS.
Matapos ang seremonya, sinundan ito ng isang masayang pagtatanghal ng mga drum at bugle performances mula sa iba’t ibang paaralan, na nagdagdag ng saya sa araw na iyon. Ang mga kalahok na paaralan ay binigyan ng pagkilala at mga premyo para sa kanilang mga magagandang pagtatanghal. Ang Mangaldan National High School ang nangungunang nagwagi, at ang iba pang mga paaralan ay binigyan din ng mga papuri para sa kanilang mga natatanging kontribusyon sa kaganapan.
Sa huli, ipinakilala ang mga kandidata para sa Miss Gay Grand 2025 at Miss Gay Legendary pageants bilang paghahanda para sa grand coronation night na gaganapin sa Marso 9, 2025.