DAGUPAN CITY- Nagpatuloy nang matiwasay at mapayapa ang halalan sa bayan ng Malasiqui sa kabila ng pagiging bahagi nito ng “yellow category” sa areas of concern dahil sa naitalang insidente na may kinalaman sa pulitika noong nakaraang eleksyon.

Wala umanong naitalang anumang karahasan o kaguluhan sa alinmang polling center sa buong bayan.

Ayon kay PLTCOL Garry Anthony M. Casem, hepe ng Malasiqui PNP, naging mahigpit ang pagbabantay sa seguridad sa araw ng halalan.

--Ads--

Mahigit kumulang 150 kapulisan ang naitalaga sa bayan, mula sa mga police officers na nakapuwesto sa bawat voting center hanggang sa mga nagsagawa ng regular na pagroronda.

Aniya na naging ligtas at mataas ang antas ng seguridad, lalo na sa mga barangay kung saan residente ang karamihan sa mga kandidato.

Tinukoy rin niya na nadagdagan ang augmentation force ng kanilang hanay dahil sa pagiging bahagi ng yellow category.

Nagkaroon ng inspeksyon mula sa National Police Commission (NAPOLCOM) at iba pang ahensya upang tiyakin ang kaayusan at kahandaan ng mga otoridad.

Bagamat may ilang pagkakataon na naging mabigat ang daloy ng trapiko, nanatiling organisado ang kabuuang proseso ng halalan.

Patuloy rin umano ang naging koordinasyon ng Malasiqui PNP sa Commission on Elections (COMELEC), lalo na pagdating sa mga usapin hinggil sa seguridad.

Dagdag pa ni Casem, maaari lamang alisin ang bayan sa yellow category kung mapananatili nito ang mapayapa at maayos na halalan sa loob ng dalawang magkasunod na eleksyon.