Dagupan City — Agad na nagpalabas ng 3 executive orders ang bagong halal na alkalde ng bayan ng Labrador, Pangasinan na si Mayor Noel Uson sa unang araw ng panunungkulan nito.
Ayon kay Mayor Uson, hindi nito nakakalimutan ang pangako sa mga kababayang pagbibigay ng publiko serbisyo matapos pormal na nilagdaan ang kanyang unang tatlong EOs na naglalayong magtatag ng tatlong task force: Kalusugan, Kabuhayan, at Kaakbay — o tinatawag na KKK.
Aniya, ang KKK ay hango sa kilusang Katipunan ni Andres Bonifacio , isang bayani na kinakatawan ang tunay na damdamin at pangangailangan ng masa.
Sa parehong diwa, layunin din ng bagong administrasyon na maging matibay na katuwang ng mga karaniwang mamamayan ng Labrador.
Ang tatlong task force ay tututok sa mahahalagang larangan, una, Kalusugan para sa mas pinalakas at abot-kayang serbisyong pangkalusugan; pamgalawa ay Kabuhayan para sa oportunidad sa trabaho at kabuhayang magtataguyod sa bawat pamilya.
Panghuli, kaakbay para sa proteksyon at tulong sa mga sektor na nangangailangan gaya ng mga senior citizens, PWDs, at mahihirap.
Dagdag pa nito, sa kanyang administrasyon, ito ay pagpapakita na may direksyon at ito ay para sa kapakanan ng nakararami.
Umaasa rin ang pamahalaan na magpapatuloy ang suporta ng publiko sa mga programang tunay na makabubuti para sa lahat.