Pinalalakas ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Calasiao, dito sa lalawigan ng Pangasinan katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Calasiao, ang kakayahan ng mga mamamayan sa pagtugon sa mga emergency at kalamidad sa pamamagitan ng Formulation and Training ng Community Emergency Response Team (CERT) at Fire Auxiliary Group (FAG).

Ayon kay Kristine Joy Soriano, Spokesperson ng MDRRMO Calasiao, layunin ng programa na makabuo ng mga team-partner sa bawat barangay upang mas mapaigting ang kahandaan ng mga residente sa panahon ng sakuna.

Aniya na nais nilang makabuo ng mga katuwang sa bawat barangay na handang tumugon sa anumang emergency.

--Ads--

Sa pamamagitan ng mga pagsasanay na ito, mas mapapalakas nila ang kanilang komunidad.

Kasama sa mga isinagawang basic trainings ang bandaging techniques, basic life support (BLS), cardiopulmonary resuscitation (CPR), at ang itinuro ng BFP na basic fire suppression techniques.

Ang mga kalahok ay nagmula sa iba’t ibang barangay sa bayan, kung saan ang mga opisyal ng barangay ang pumili ng mga kalahok mula sa hanay ng mga tanod, kagawad, barangay health workers (BHWs), at iba pang mga volunteer.

Ayon pa sa MDRRMO, layunin ng programa na makabuo ng sariling emergency response team sa bawat barangay bilang unang tutugon bago pa man dumating ang mga propesyonal na rescuer.

Dagdag ni Soriano, pangalawang bugso na ito ng programa matapos isagawa noong nakaraang taon ang Basic Water Search and Rescue Training (WASAR). Dahil mayroon nang mga naitalagang rescuers, target ngayon ng MDRRMO na palawakin pa ang kanilang kasanayan sa iba’t ibang aspeto ng emergency response.

Aniya na sila talaga ang magiging unang responder sa kani-kanilang barangay. Sa ganitong paraan, mas mabilis ang pagtugon at mas marami siang masasalbang buhay.

Ang CERT/FAG Training and Formulation Program ay bahagi ng patuloy na inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Calasiao upang makapagtatag ng mga organisadong grupo sa barangay na may kakayahang kumilos agad sa oras ng pangangailangan.