Posibleng magdeklara ng state of calamity ngayong araw ang bayan ng Calasiao dahil sa epektonh dulot ng bagyong crising at ulan na dala ng habagat.

Kanina ay nagkaroon ng pulong ang Mdrrmo kasama ang Sangguniang Bayan at ng Alkalde sa bayan upang pagusapan ang naging datos at epekto ng masamang panahon sa bayan.

Ayon kay Freddie Villacorta Head, MDRRMO Calasiao, 17 barangay na ang kumpirmadong apektado ng pagbaha.

--Ads--

Kung saan nagtuloy-tuloy rin ang pag-apaw ng Marusay River, na umabot na sa 10 talampakan ang taas ng tubig kaninang umaga.

Dahil dito ay nagkaroon ng emergency meeting ang MDRRMO kasama ang Sangguniang Bayan upang talakayin ang pinakahuling datos at epekto ng kalamidad.

Layunin ng pulong na maihanda ang pormal na rekomendasyon para sa deklarasyon ng State of Calamity, upang ma-activate ang calamity fund at maiparating agad ang tulong sa mga residente.

Kabilang naman sa mga pangunahing aksyon ng bayan ay ang pagpapatuloy ng rescue operations, pagbibigay ng relief assistance, at paghahanda ng mga evacuation centers kung sakaling lumala pa ang sitwasyon.

Sa kabila naman ng pagbaha ay buong pasasalamat si Villacorta dahil zero casualty pa rin ang naitatala sa bayan.

Samanatala, batay naman sa forecast ng PAGASA ay inaasahang magpapatuloy ang mga pag-ulan hanggang Miyerkules o Huwebes.

Dahil dito, pinaalalahanan ang mga residente na maging mapagmatyag at agad makipag-ugnayan sa kanilang barangay officials o i-report ang anumang pangangailangan sa MDRRMO.

Inaasahan din ng lokal na pamahalaan ang suporta mula sa lalawigan ng Pangasinan, upang higit pang mapalakas ang pagtugon sa mga apektadong barangay.