DAGUPAN CITY- Naitala ng lokal na pamahalaan sa bayan ng Calasiao ang ilang heat-related incidents na dulot ng matinding init ng panahon.

Ayon kay Kristine Joy Soriano, LDRRMO III ng Calasiao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ilang mga insidente ng pagkahilo at pagkawala ng malay ng mga indibidwal ang naiulat.

Aniya na mayroon ding mga kaso ng pagtaas ng altapresyon na naging sanhi ng pagkakaroon ng medikal na atensyon at pagpapagamot sa ospital.

--Ads--

Dahil sa mataas na temperatura, nagkaroon din ng mga insidente ng sunog, tulad ng mga grass fire na kamakailan ay sunod-sunod na naitala ang mga insidenteng ito sa bayan.

Dagdag pa ni Soriano na nakipag-uugnayan ang ahensya sa Bureau of Fire Protection (BFP) Calasiao kaugnay sa mga reports na kanilang natanggap.

Nakikipagkoordina ang BFP sa kanila upang tiyakin na ang mga insidente ng grass fire, kung malapit sa mga kabahayan, na kung kinakailangan, magsasagawa sila ng aksyon para sa kaligtasan ng mga residente.

Nilinaw niya na wala namang naitalang insidente na naapektuhan ang kanilang kalusugan dahil sa mga sunog.

Upang maiwasan naman ang mga heat-related incidents para sa mga mag-aaral, nagsagawa ng isang coordinating meeting ang mga school heads ng bawat paaralan at ang alkalde ng bayan ng Calasiao.

Tinalakay sa pulong ang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral na bilang resulta, naglabas ang lokal na pamahalaan ng isang executive order na nagpapahintulot sa modular o distance learning sa hapon upang mapanatili ang pagiging komportable ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.

Mahalaga umano ang hakbang na ito upang masiguro na matutugunan ang kinakailangang bilang ng school days ng mga mag-aaral sa gitna ng matinding init.

Aniya na patuloy ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa gitna ng mga heat-related incidents.