Pinarangalan ng Department of Agriculture–Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang bilang pagkilala sa patuloy nitong suporta at aktibong partisipasyon sa pagpapalago ng rice research for development and extension (R4DE) sa bansa.

Iginawad ang parangal sa Rice R4DE Appreciation Night kamakailan na idinaos sa DA-Crop Biotechnology Center Plenary Hall sa PhilRice Central Experiment Station, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Layunin ng pagtitipon na kilalanin ang mga lokal na pamahalaan at institusyong naging kabalikat sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa pagpapahusay ng teknolohiya, kaalaman, at produksyon sa larangan ng bigas.

--Ads--

Ipinakita sa seremonya ang pagpapahalaga ng PhilRice sa mga LGU na nagbibigay-suporta sa mga inisyatibong nakatuon sa research-based solutions at sa pagpapalawak ng kaalamang pang-agrikultura sa mga magsasaka.

Kabilang ang Bayambang sa mga kinilalang katuwang dahil sa tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan nito sa mga proyektong pang-agrikultura, partikular sa mga inisyatibang naglalayong palakasin ang farmer development, suportahan ang makabagong teknolohiya, at tiyakin ang mas ligtas at episyenteng produksyon ng bigas.

Ipinabatid ng DA-PhilRice na ang kontribusyon ng bayan ay mahalagang bahagi ng kolektibong pagkilos upang itaguyod ang mas matatag na sektor ng agrikultura at mas maunlad na rice industry sa bansa.