DAGUPAN CITY- Hindi man naramdaman sa bayan ng Basista ang pagyanig kahapon dulot ng Magnitude 4.4 sa Pugo, La Union, buong nakahanda pa rin sila sa panahon na makakaapekto ito.

Ayon kay Josephine Robillos, Basista MDRRM Officer/PALDRRMO Head,ilan lamang sa lalawigan ng Pangasinan ang nakaramdam ng pagyanig.

Batay sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), sa reported intensities, nakaranas ng Intensity IV sa Pozorrubio; Intensity III sa Villasis, Syudad ng Urdaneta; Malasiqui, San Fabian, San Manuel, at Binalonan; at Intensity II sa Alcala.

--Ads--

Habang sa datos ng Instrumental Intensities, nakaranas ng Intensity III sa Sison; Intesity II sa syudad ng Dagupan; at Intensity I naman sa Lingayen at syudad ng Urdaneta.

Kamakailan lamang sa kanilang isinagawang pakikibahagi sa National Earthquake Drill, tinuruan nila ang mga kabataan, partikular na sa paaralan, na maaaring gawin sa ganitong kaganapan.

May Composite Team naman ang kanilang lokal na gobyerno kung saan binubuo ito ng PNP, BFP, Rural Health Unit, at kanilang team sa tanggapan.