DAGUPAN CITY- Hindi pa nararamdaman sa bayan ng Basista ang banta ng pagbaha sa kabila ng nararanasang pag-ulan dulot ng habagat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Josephine Robillos, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) ng Basista at Presidente ng Pangasinan Association of Local Disaster Risk Reduction and Management Officers (PALDRRMO), patuloy ang kanilang pag-iikot at inspeksyon sa mga mabababang lugar sa bayan upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Aniya, wala pang problema sa pagtaas ng tubig sa kasalukuyan at nagdudulot pa nga ito ng benepisyo sa mga magsasaka.
Malaking tulong umano ang pag-ulan sa mga taniman at sa kabuuang ani ng mga magsasaka.
Gayunpaman, nagbabala si Robillos na maaaring magdulot ng problema ang patuloy na pag-ulan, lalo na kung maglalabas ng tubig ang mga dam.
Dagdag niya, hindi masyadong binabaha ang kanilang bayan, ngunit posibleng makaranas ng pagbaha kung tatagal ang ulan nang higit sa limang araw.
Patuloy ang pagbabantay ng kanilang tanggapan sa sitwasyon upang maagapan ang anumang banta ng kalamidad.