Idineklara na ng lokal na pamahalaan ng Bani ang State of Calamity matapos makaranas ng matinding pagbaha ang ilang barangay sa bayan nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Angelico Sagun Ventenilla, LDRRM Officer III ng Bani, naging abala ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa isinagawang malawakang rescue operation, pre-emptive evacuation at forced evacuation noong Sabado dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Humingi rin ng karagdagang tauhan at kagamitan ang LGU Bani sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) dahil hindi kinaya ng lokal na responders ang dami ng kailangang sagipin.
Noong Linggo ng umaga, nagpulong ang lokal na disaster council upang talakayin ang rekomendasyon para sa deklarasyon ng State of Calamity. Agad naman itong inaksyunan ng Sangguniang Bayan at pormal na idineklara ang bayan sa ilalim ng State of Calamity.
Labing-apat na barangay ang iniulat na direktang naapektuhan ng pagbaha.
Ayon kay Ventenilla, umabot na sa 4,874 pamilya o 14,440 indibidwal ang naapektuhan batay sa paunang datos. Gayunman, maaari pa itong madagdagan habang nagpapatuloy ang validation at assessment ng mga apektadong lugar.
Kabilang sa mga higit na nangangailangan ng tulong ang mga mangingisda at magsasaka na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa masamang panahon.
Bilang agarang tugon, naghahanda ang LGU ng mga relief goods para sa mga pamilyang nangangailangan. Kasabay nito ang pag-compute at paglalaan ng pondo mula sa Quick Response Fund (QRF) para sa mga hakbang na kinakailangan matapos ang deklarasyon ng State of Calamity.
Samantala, sinabi ni Ventenilla na kakaunti na lamang ang mga residenteng nananatili sa evacuation centers o pansamantalang nakikituloy sa mga kamag-anak.










