Muling nakapagtala ng panibagong COVID-19 positive case sa bayan ng Asingan, Pangasinan.
Ang nagpositibo ay isang 15 anyos na babae mula rin sa Brgy. Dupac, Asingan kung saan una ng napaulat na mayroong isang nagpositibo din sa parehong lugar.
Napag-alaman na na-exposed umano siya sa 29 year old male confirmed case ng Asingan noong nakaraang Miyerkules.
Nagsimulang maramdaman ang mga sintomas noong May 7. Nagpakonsulta noong May 13 at lumabas ang confirmatory result noong May 17.
Siya ay sumasailalim na sa strict home quarantine.
Sa kasalukuyan ay isinasagawa na ang Contact tracing sa mga nakasalamuha ng nasabing pasyente.
Sa kabilang dako, nakatakdang isailalim muli sa swab test sa darating na Huwebes, Mayo 21 ang isang residente ng bayan ng Asingan, na naunang napaulat na nag positibo sa COVID-19.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Municipal Health Office (MHO) Head, Dr. Ronnie Tomas, lahat naman umano ng nakasalamuha ng biktima ay kanila ng nakapanayam at in-isolate na siyang siyang isinailalim na rin sa swab test.
Base naman umano sa Provincial Health Office (PHO), inuunang inilalabas ang resulta ng swab test ng mga nagpositbo pasyente nang kanilang mapaghandaan ang posibleng pagsasagawa ng contact tracing.
Umaasa naman si Dr. Tomas na negatibo ang resulta ng mga nakasalamuha ng nagpositibo nilang kababayan.