Dagupan City – Nanatili pa ring positibo sa red tide ang bayan ng Anda at Bolinao sa Pangasinan.

Ayon kay Atty. Girly G. Dela Peña, Officer-in-Charge Regional Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region I batay sa pinakahuling monitoring ngayong linggo lumabas na positibo pa rin ang bayan ng Anda habang lumabas namang negatibo ang Bolinao.

Ngunit sa kabila ng nakuhang unang test, nilinaw ni Dela Peña na dadaan pa umano ito sa 3 consecutive sampling kaya mahigpit nilang ipinatutupad ang monitoring at mga kaukulang hakbang upang maprotektahan ang kaligtasan ng publiko.

--Ads--

Kabilang sa mga isinasagawang hakbang ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na punong ehekutibo at Municipal Agriculture Offices upang ipagbawal ang pangangalap at pagbebenta ng mga produktong shellfish mula sa apektadong lugar.

Nagbibigay rin ang BFAR ng mga abiso sa mga kinauukulang ahensya ng lalawigan upang masuri ang mga local transport permit ng mga trader, kung saan malinaw na nakasaad ang pinanggalingan ng mga shellfish.

Mariin ding nanawagan si Dela Peña sa publiko at mga stakeholder na huwag magpumilit o magmatigas sa kabila ng babala, lalo na’t nakataya ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan.

Patuloy naman ang paalala ng BFAR na iwasan muna ang pagkonsumo at pagbebenta ng shellfish mula sa mga lugar na positibo sa red tide hanggang sa opisyal na ideklara itong ligtas.