DAGUPAN CITY- Isinusulong ng Bayambang PNP sa pamumuno ni PLT COL Rommel Bagsic ang pagbabalik ng regular na physical fitness program para sa kanilang mga tauhan.
Ayon sa hepe, muling binuhay ang dating gawi ng paglalaan ng oras tuwing Martes at Huwebes ng hapon para sa ehersisyo, na ginaganap mula alas-tres hanggang alas-sais ng hapon.
Layunin ng inisyatibong ito na mapanatili ang kalusugan at kahandaan ng mga pulis sa pagtugon sa kanilang mga tungkulin.
Aniya na bukod sa pisikal na benepisyo, nakikita rin ito bilang isang paraan upang mapanatili ang disiplina sa pagkain at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga kasapi ng istasyon.
Dagdag pa niya na regular ang pagsasagawa ng pagtitimbang kada buwan, bilang bahagi ng monitoring sa progreso ng bawat isa.
Nilinaw ni Bagsic na hindi hadlang ang programang ito sa kanilang deployment o duty schedule, dahil isinasaalang-alang nila ang oras ng day-off upang maisingit pa rin ang physical fitness activities.
Itinatakda ring lahat ng personnel ay dapat nasa labas mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga, bilang bahagi ng “rush hour deployment”.
Bukod aniya sa police visibility sa mga oras na ito ng panganib, nagsisilbi rin itong ehersisyo dahil madalas ay hindi gumagamit ng sasakyan at naglalakad ang mga pulis.
May kalayaan din ang bawat isa na pumili ng sariling paraan ng ehersisyo at kabilang sa mga madalas na aktibidad ay ang paglalaro ng basketball, kung saan nakikipaglaro sila hindi lamang sa kapwa pulis kundi maging sa mga residente ng barangay.
Sa ganitong paraan, hindi lamang pisikal na kalusugan ang pinapalakas kundi pati na rin ang ugnayan ng komunidad at kapulisan.
Dagdag pa rito, hinihikayat ang mga pulis na kahit sa araw ng kanilang pahinga ay magsingit ng oras para sa ehersisyo.
Aniya, makatutulong ito sa kanilang pagiging alerto at episyente sa serbisyo.