Dagupan City – Itinanghal na Best in Fire Prevention and Safety Campaign ng Bureau of Fire Protection Region 1 ang Bayambang Fire Station para sa Calendar Year 2026.

Iginawad ang parangal sa isinagawang 35th BFP Anniversary noong Agosto 28 sa Puerto de San Juan Resort and Residences sa San Juan, La Union.

Pinangunahan ni FSInsp. Raymond C. Palisoc, Municipal Fire Marshal, ang pagpapatupad ng mga programa ng Bayambang Fire Station na nakatuon sa pag-iwas sa sunog at pagpapalakas ng kaalaman ng publiko tungkol sa fire safety.

--Ads--

Kabilang sa mga programang kinilala ang fire safety inspection at Oplan Ligtas na Pamayanan, na naglalayong mapalakas ang kahandaan ng mga residente at komunidad laban sa panganib ng sunog.

Malaki rin ang naging suporta ng LGU-Bayambang sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pagpapatupad ng mga programa at aktibidad para sa fire prevention and safety.

Itinuturing ang parangal bilang pagkilala sa sama-samang pagsisikap ng BFP-Bayambang at LGU-Bayambang sa pagsusulong ng kaligtasan ng mga Bayambangueño at pagtupad sa mga layunin ng Bureau of Fire Protection.

Isinagawa ang selebrasyon sa temang “Tatlong Dekada at Limang Taon ng Serbisyong Tapat at Maasahan: BFP sa Bagong Pilipinas.”