Patuloy ang 24/7 monitoring ng Bautista Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO sa mga kritikal na lugar na maaaring maapektuhan ng pagtaas ng tubig at pagbaha bunsod ng pagpapakawala ng tubig mula sa San Roque Dam.
Ayon kay Aries B. Aquino, LDRRM Officer II ng Bautista MDRRMO, kabilang sa mga high-risk area ang Barangay Diaz, Bakante, Palisoc at Pupunto dahil malapit ang mga ito sa mga ilog at spillway drainage.
Sa kasalukuyan, pababa na ang tubig baha sa mga lugar na apektado, bagama’t posible itong bahagyang tumaas dahil sa pagpapakawala ng tubig mula sa San Roque Dam.
Nanatiling bukas ang mga evacuation center at hindi pa pinababalik sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng lumikas, kasunod ng abiso hinggil sa water release ng San Roque Dam.
Ayon sa MDRRMO, nasa 16 na pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation center sa Barangay Diaz, 20 pamilya sa Bakante, at 18 pamilya sa Pupunto, na pawang nasa mga high-risk area.
Samantala, tinatayang nasa P47 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Bautista dulot ng mga nagdaang bagyo at Habagat.
Bahagya ring tumaas ang lebel ng mga ilog dahil sa matinding pag-ulan na nagdulot ng pagbaha sa ilang barangay.
Dahil dito, idineklara ang bayan na nasa ilalim ng State of Calamity upang matugunan at madagdagan ang mga kinakailangang ayuda at iba pang suporta para sa mga apektadong residente at barangay.










