Tinututukan ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng National Authority for Child Care (NACC) ang patuloy na pagpapatupad ng Republic Act No. 11767, o mas kilala bilang Foundling Recognition and Protection Act, na nilagdaan bilang batas noong Mayo 2022.

Sa ilalim ng RA 11767, kinikilala ang mga foundling mga batang inabandona o iniwan sa hindi tiyak na lugar at walang kilalang magulang—bilang natural-born Filipino citizens. Ibig sabihin, sila ay may buong karapatang pantao at legal na katayuan sa ilalim ng Konstitusyon.

Ayon kay Marinald B. Cutiyog, Social Welfare Officer III at Head ng Alternative Child Care Unit ng DSWD, ang batas ay isang mahalagang hakbang sa pagbibigay ng pagkakakilanlan, proteksyon, at karapatang legal sa mga batang iniwan sa mga pampublikong lugar gaya ng simbahan, ospital, o kalsada.

--Ads--

Aniya, napakabibulnerable ng mga batang ito. Kadalasan, hindi maganda ang kalagayan o paraan ng pagkakatagpo sa kanila.

Kaya’t mahalaga ang batas na ito upang matiyak na hindi sila mapapabayaan at mabigyan sila ng pagkakakilanlan tulad ng ibang bata,

Binigyang-diin niya na sa ilalim ng batas, ang mga foundling ay may karapatang magkaroon ng birth certificate, makatanggap ng serbisyong medikal, edukasyon, at iba pang tulong mula sa pamahalaan. Iniaatas din ng batas ang mas mabilis at mas malinaw na proseso ng pagrerehistro at legal na pag-aampon, sa ilalim ng pamamahala ng NACC.

Dagdag pa niya, mahalagang i-advocate ang karapatang manatili sa isang pamilya ang bawat bata.

Kaya’t kung matunton ang mga magulang, ang DSWD ay handang tumulong sa counseling upang maiwasan ang pag-abandona at mapanatili ang ugnayan ng bata sa pamilya.

Nagpaalala rin si Cutiyog sa publiko na kung makakita o makapulot ng inabandonang sanggol o bata, huwag itong iuwi o iparehistro sa sariling pangalan, dahil ito ay maaaring magresulta sa legal na kaso.

Mas mainam na ipagbigay-alam agad sa mga awtoridad o dalhin sa pinakamalapit na tanggapan ng DSWD.