Nanindigan ang actress na si Barbie Imperial na hindi siya ang dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawang Richard Gutierrez at Sarah Lahbati.
Ayon kay Barbie, hiwalay na sina Richard at Sarah nang pumasok siya sa buhay ng aktor.
Kung tutuusin, noong unang naispatan daw sila sa isang gastropub sa Alabang, Muntinlupa, ay hindi pa sila magkasintahan.
Nanindigan si Barbie na malinis ang kanyang konsensiya dahil wala siyang kinalaman sa hiwalayan ng dalawa.
Hindi na idinetalye ni Barbie ang nalalaman niya sa ugat ng hiwalayan ng dalawa, ngunit sinabi niyang hindi na magkasama sa iisang bahay sina Richard at Sarah nang pumasok siya sa eksena.
Sinabi rin ni Barbie na labis nakaapekto sa kanyang mental health ang maling paratang ng publiko tungkol sa pagiging third party niya sa relasyon nina Richard at Sarah.
Ayon kay Barbie, mas inisip niya noon ang posibleng epekto ng isyu sa mga anak nina Richard at Sarah kung ipagtatanggol niya agad ang sarili laban sa mga akusasyon ng publiko.
Ang tinutukoy na “mga bata” ni Barbie ay ang dalawang anak ni Richard sa estranged wife niyang si Sarah na sina Zion, 12, at Kai, 7.
Sa huli, ipinagmamalaki ni Barbie na maayos ang relasyon niya sa pamilya ni Richard, lalo na sa mga anak nito at inang si Annabelle Rama.via PEP










