Dagupan City – ‎Binuksan na ang baratilyo o tiangge bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng kapistahan sa bayan ng San Fabian sa darating na Buwan ng Enero sa susunod na taon.

Nagsimula na ang paglalatag ng mga pwesto para sa mga magtitinda sa sentro ng bayan, kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga mamimili at bisita sa mga susunod na linggo.

Bahagi ito ng taunang tradisyon ng San Fabian na nagdudulot ng masiglang aktibidad sa kalakalan at turismo.

Ayon kay PLtCol. Danilo Perez, hepe ng San Fabian Municipal Police Station, kabilang sa kanilang binabantayan ang lugar ng baratilyo upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang mga insidente tulad ng pagnanakaw.

Dagdag pa rito, mas pinadali ang kanilang operasyon dahil malapit lamang sa istasyon ng pulis ang lokasyon ng baratilyo, kaya’t mabilis silang makapagre-responde sakaling may aberya.

Batay sa ulat noong nakaraang taon, walang naitalang insidente ng pagnanakaw sa parehong aktibidad, kaya’t target ng awtoridad na mapanatili ang ganitong sitwasyon ngayong taon.

Kasalukuyang ipinatutupad ang one-way traffic scheme sa paligid ng lugar ng baratilyo na tatagal hanggang Enero.

--Ads--

Pinapaalalahanan ng pulisya ang publiko na agad mag-ulat sa kanilang himpilan sakaling may mapansing kahina-hinalang gawain o insidente sa lugar.