Tila nagiging siklo na lamang ang sitwasyon ng bayan ng Umingan patungkol sa problema sa langaw partikular sa barangay Ricos.
Ito ay ayon sa isang concerned citizen na si Ms. Portia Besa na residente ng naturang lugar.
Kamakailan lamang kasi nang muli na naman aniyang dumami ang mga langaw sa kanilang barangay kung saan nagsimulang mag-harvest ang katabing poultry ng isang eskwelahan doon na sumabay pa sa selebrasyon ng Christmas party ng mga bata.
Ganito na rin aniya ang kanilang sitwasyon noong mga nakaraang buwan kung saan lagi umano silang pinangangakuan na magagawan ng paraan ang isyung ito na nasosulusyunan naman aniya ngunit pabalik-balik lamang.
Malaking abala aniya ito sa pagkain maging sa kanilang pagtulog at ang higit na kanilang inaalala ay ang kalusugan ng mga bata.
Makikita sa mga video na kanilang ipinadala kung paanong nagiging sagabal ang mga langaw sa pagkain ng mga bata.
Kaugnay nito, nananawagan siya sa kanilang bagong alkalde na sana ay matuldukan na ang isyung ito dahil paulit-ulit na rin aniya nilang idinudulog ang parehong suliranin.
Pakiusap din nito sa may ari ng poultry na malapit sa naturang paaralan na gawing malinis ang kanilang lugar upang hindi makaperwisyo ng iba.