Dagupan City – Isasagawa mula Pebrero 16 hanggang Marso 12 ang Barangay PhilHealth Yakap Caravan sa bayan ng Mapandan bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya sa serbisyong pangkalusugan ng Mapandan Rural Health Unit katuwang ang PhilHealth.
Iikot sa iba’t ibang barangay ang medical caravan upang ihatid ang libreng medical at dental consultations, eye screening, at immunization para sa mga bata.
Layunin nitong maagapan ang mga karaniwang sakit at mabigyan ng agarang atensyong medikal ang mga residente nang hindi na kinakailangang bumiyahe pa sa malalayong pasilidad pangkalusugan.
Magkakaloob din ng PhilHealth membership assistance para sa mga nais magparehistro, magpa-update ng impormasyon, o magtanong hinggil sa kanilang benepisyo.
Tinutulungan ng mga health worker at kinatawan ng ahensya ang mga mamamayan upang mas mapadali ang proseso at mas marami ang makinabang sa programang pangkalusugan ng pamahalaan.
Inaasahang mas mapapalawak ang access sa serbisyong medikal at mas mapagtitibay ang kalusugan ng bawat pamilya sa Mapandan.










