Dagupan City – Naka-full alert ngayon ang pamunuan ng Barangay Nibaliw West sa bayan ng San Fabian, Pangasinan, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga bisita sa kanilang baybayin ngayong holiday season.

Ayon sa pamahalaang barangay, mas pinaigting ang pagbabantay sa coastal area upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga residente at turista.

Pinangungunahan ni Punong Barangay Nilo Dojillo ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng lokal na pamahalaan, kabilang ang Philippine National Police at disaster response team, para sa agarang pagtugon sa anumang posibleng insidente.

Nakatutok din ang barangay sa crowd control, lalo na sa mga oras na inaasahang maraming dadagsang bisita. May mga nakatalagang tanod at responders na magbabantay sa baybayin upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaayusan sa lugar.

Pinaalalahanan din ang mga motorista na sumunod sa mga itinakdang parking area. Mahigpit na ipagbabawal ang basta-bastang pagparada ng mga sasakyan na maaaring makasagabal sa daloy ng trapiko at sa paggalaw ng mga bisita.

Patuloy ang panawagan ng barangay sa publiko na makipagtulungan at sumunod sa mga alituntunin upang maging ligtas, maayos, at masaya ang pagdiriwang ng holiday season sa baybayin ng Nibaliw West.