Patuloy na nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan ang Barangay Health Center ng brgy. Manambong Norte sa bayan ng Bayambang upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga residente.
Ayon kay Chit Junio, ang Midwife Nurse ng 3 magkakalapit na brgy. kabilang na ang Manambong Norte, mahalaga ang gampanin ng kanilang Health Center dahil nagpapalaganap ito ng kalusugan at kaligtasan sa kanilang komunidad.
Ang mga serbisyong ibinibigay ng barangay health center ay kinabibilangan ng libreng konsultasyon, pagbibigay ng mga libreng gamot, pagpapabakuna laban sa iba’t ibang sakit tulad ng tigdas, polio, at iba pa, pati na rin ang mga regular na medical check-up.
Bukod dito, nagbibigay rin sila ng mga programang pangkalusugan tulad ng pagpapalaganap ng malusog na pamumuhay, mental health services, at family planning na kanilang tinututukan dahil tumataas ang datos ng teenage pregnancy sa nasabing bayan.
Hindi naman sila aniya nahihirapan dahil nakiki-isa ang mga residente sa kanilang layunin na matulungan ang bawat isa sa komunidad na magkaroon ng malusog na buhay, kaya naman patuloy silang nagsusumikap na magbigay ng mga serbisyong pangkalusugan para sa lahat.
Dagdag pa niya na ang kanilang barangay health center ay nagpatuloy sa pagpapalakas ng mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit, kagaya na lamang ng mga hakbang sa kalinisan at wastong pangangalaga ng kalusugan.