DAGUPAN CITY- Sugatan an isang kapitan ng barangay at tanod matapos tangakin awatin ang isang nag-aamok at lasing umanong lalaki na armado ng bolo sa Brgy. Nibaliw Vidal, kamakailan lamang.

‎Ayon sa ulat ng pulisya, nagwawala umano ang suspek sa gitna ng kalsada habang sumisigaw at naghahanap ng away.

Rumesponde ang kapitan kasama ang ilang tanod upang kontrolin ang sitwasyon at tiyaking ligtas ang mga residente.

‎Pagdating sa lugar, nadatnan nilang may hawak na 12-pulgadang bolo ang lalaki.

Sa halip na magpaawat, bigla itong umatake at tinaga ang kapitan, na nagtamo ng sugat sa kanang kamay.

--Ads--

Tinamaan din ang isang tanod sa likod ng balikat habang sumusubok na umawat.

‎Ang mga biktima ay agad na dinala sa Region 1 Annex Medical Center sa Dagupan City. Kasalukuyang nagpapagaling ang tanod habang ligtas na ang kapitan.

‎Batay sa inisyal na imbestigasyon, posibleng may kinalaman sa problema sa pamilya ang pagwawala ng suspek, at iniimbestigahan din kung lasing ito sa oras ng insidente.

‎Naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek at narekober ang ginamit na bolo.

Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal kabilang ang frustrated homicide, serious physical injuries, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6.

‎Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na agad ipagbigay-alam sa barangay o pulisya ang anumang banta sa kapayapaan sa kanilang komunidad.