Isinailalim na sa total lockdown ang Brgy Dupac Asingan matapos na maitala doon ang natitirang dalawang covid positive case dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Matatandaan na kinuha na ng Pangasinan Provincial Health Office ang dalawa alinsunod narin sa kahilingan ni Asingan Mayor Carlos Lopez Jr, dahil sa kakulangan ng maayos na quarantine facility sa bayan.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Provincial Health Office Chief Dra. Ana Marie De Guzman, na bahagi ng ipinatutupad nilang preventive measure ang pagpapatupad ng lockdown kahit pa natukoy na ang mga nakasalamuha ng mga biktima lalo at dalawa ang nakumpirmang kaso sa lugar dahilan upang gawing buong barangay sa halip na sitio na lamang.
Nabatid na ang mga nagpositibo ay kinabibilangan ng 15 anyos na babae na napag-alamang nalantad sa 29 year old male confirmed case.
Kung matatandaan ang 29 anyos na pasyente ay umuwi sa bayan ng Asingan noong April 30 mula Metro Manila lulan ng isang company car na naclassified bilang Authorized persons outside residence (APOR).