Dagupan City – Matapos ang magkasunod na bagyo at pinalakas na habagat, isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang post-disaster inspection sa mga barangay na matinding binaha.
Kabilang sa ininspeksyon ang mga bahagi ng Buenlag, Amansabina, Gueguesangen, Osiem, Banaoang, at Poblacion.
Lumabas sa pagsusuri na marami sa mga drainage canal sa mga lugar na ito ay makitid na o halos barado na, dahilan ng mabilis na pagtaas ng tubig tuwing malakas ang ulan.
Dahil dito, maglalabas ng notice of illegal construction ang engineering office laban sa mga gusaling lumabag sa zoning regulations.
Kasabay nito ang rekomendasyon para sa agarang paglilinis ng mga kanal na puno ng basura at invasive na halaman gaya ng water lily.
Bilang pangmatagalang tugon, hinihikayat ang bawat barangay na magsumite ng drainage master plan bilang ambag sa bubuuing Municipal Drainage Master Plan, na layong masolusyonan ang problema sa baha at palakasin ang kakayahan ng bayan sa harap ng sakuna.