“Very low floor of confidence.” Ganito inilarawan ni Francis Kiko Dee ng Tindig Pilipinas ang kasalukuyang liderato ng Senado sa gitna ng nakatakdang pag-usad ng impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Dee na kailangang maging mapagmatiyag ang taong bayan lalo na’t nabahiran ang integridad ng Senado ng naganap na “barilan” sa loob mismo ng institusyon noong nakaraang Miyerkules—isang pangyayari na tinawag niyang kauna-unahan sa kasaysayan ng demokrasya ng bansa.
Bago ang nasabing pagdinig, nagsagawa ng Misa para sa Kapayapaan at Pananagutan ang Tindig Pilipinas sa EDSA Shrine upang ipagdasal na lumabas ang katotohanan. Ayon kay Dee, layunin nito na mabigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na mailahad ang kanilang mga ebidensya matapos ang halos dalawang taong paghihintay.
Hindi itinago ni Dee ang pangamba sa komposisyon ng Senado. Binanggit niya ang mga kontrobersyang kinasasangkutan ng ilang senador, kabilang ang isyu ng flood control at mga akusasyon ng crimes against humanity. Binatikos din niya ang naganap na kaguluhan kaugnay ng pag-aresto kay Sen. Bato dela Rosa, kung saan nagpaputok umano ng armas ang Office of the Sergeant-at-Arms.
Bagama’t pinapurihan niya ang pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na dapat nang i-convene ang impeachment court, binalaan ni Dee ang mga senador na huwag gawing “utang na loob” ang basehan ng kanilang magiging desisyon.
Inamin ni Dee na ang impeachment ay isang “political process” at “numbers game”. Gayunpaman, may babala siya sa mga mambabatas: kung babalewalain ng mga senador ang “napakalakas na ebidensya” ng anomalya sa confidential funds at mga banta (threats) na binitiwan ng bise presidente, mararamdaman nila ang ganti ng publiko sa darating na halalan.
“Kailangang bantayan ang Senado. Pag wala ang pusa, talaga namang nagsasaya ang mga daga,” aniya, sabay panawagan sa publiko na manatiling naka-standby sa mga susunod na kilos ng civil society groups.










